Hindi aksidente ang tinitingnang anggulo ng PNP-CIDG sa pagkamatay ng Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang boot camp sa Aurora, matapos matuklasan sa imbestigasyon na may iba pang kalahok na napahamak at umano’y alam ng mga nangangasiwa ang mapanganib na kondisyon ng dagat bago isinagawa ang training.
Maynila, Pilipinas — Naniniwala ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na hindi simpleng aksidente ang pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang boot camp sa Aurora.
Ayon sa CIDG, lumabas sa kanilang imbestigasyon na hindi lamang sina Baterbonia at Adili ang nasangkot sa insidente sa dagat, kundi mayroon pang dalawa umanong iba pang kalahok sa boot camp na nakaranas din ng kapahamakan sa parehong aktibidad.
Naganap ang insidente sa isang resort sa Barangay Lipit, Dipaculao, Aurora. Batay sa mga video na nakalap ng mga imbestigador, nakita umanong batid ng mga kalahok at mga nangangasiwa sa training ang kondisyon ng dagat noong mga oras na iyon.
Ayon kay P/MGen. Robert Morico ng CIDG, malinaw umano sa mga nakuhang ebidensiya na malakas ang agos ng tubig bago pa man nagsimula ang aktibidad.
IBANG BALITA:
- CIDG: Hindi Aksidente ang Pagkamatay ng Dalawang Ateneo Student-Athlete; 48 Katao Pinatawagan ng Subpoena
- Pinadali Ba Talaga ang Lesson Plan ILAW? O Panibagong Pabigat sa mga Guro? DepEd ito ang bago?
- Hanggang Kailan Magbabayad ang Taumbayan? Ang Walang Katapusang Gatasan sa NLEX, SLEX, at Skyway
- Guro, Natagpuang Patay sa Quinapondan, Eastern Samar sa Unang Araw ng Pasukan, 2 suspek huli
- Ina ni Rene Clert Baterbonia Humihingi ng Katotohanan at Linaw sa Gitna ng mga Ulat sa Pagpanaw ng Anak
- Brgy. Kagawad na Itinuturing na HVI, Timbog sa Buy-Bust Operation sa Leyte
- Unfollow Raffy Tulfo in Action Campaign, Nag-Viral sa Social Media
“You will send somebody doon na ganoon ang kondisyon? I guess you will dare to go there sa water during that time. They were aware the current is strong prior to leaving. Bakit kailangan pa doon sa water ang training, at maging ang shoreline sa dagat?” ani Morico.
Patuloy ring kinakalap ng CIDG ang mga testimonya ng mga saksi upang mabuo ang buong pangyayari bago naganap ang trahedya. Sinisiyasat din umano ng mga awtoridad ang mga alegasyon na may ilang kalahok na nakainom ng tubig-dagat habang isinasagawa ang training activity.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 48 katao ang pinadalhan ng subpoena ng CIDG bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon. Kabilang sa mga tinatawag ang mga manlalaro na dumalo sa boot camp. Gayunman, ayon sa CIDG, pito pa lamang ang dumalo sa pagdinig at sinamahan ang mga ito ng kanilang mga abogado.
Kabilang din sa pinatatawagan ng CIDG ang dating head coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin, na inaasahang magbibigay ng kanyang pahayag kaugnay ng insidente.
Samantala, naglabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay Baldwin at apat pang indibidwal na kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.
Bukod kay Baldwin, kabilang sa saklaw ng ILBO sina dating team manager Christopher Quimpo, assistant coach Reynaldo Jacinto Jr., assistant coach Dean Castaño, at assistant coach Sandro Soriano.
Ayon sa DOJ, layunin ng ILBO na mabantayan ang paggalaw ng mga nasabing indibidwal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nilinaw ng ahensya na hindi ito isang travel ban at hindi nito direktang pinipigilan ang mga sakop nito na umalis ng bansa. Gayunpaman, magsisilbi itong alerto sa Bureau of Immigration upang agad na maabisuhan ang mga awtoridad kung sakaling magtangkang bumiyahe sa ibang bansa ang mga ito.
Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng CIDG upang matukoy kung may pananagutang kriminal sa likod ng pagkamatay ng dalawang student-athlete.
Mga Dating Ateneo Blue Eagles Players, Humarap sa CIDG Kaugnay ng Imbestigasyon sa Pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili
Ilang dating miyembro ng Ateneo Blue Eagles ang humarap sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagkamatay ng student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang boot camp sa Aurora.
Kabilang sa mga dumalo bilang resource persons sina dating Ateneo players na sina Anton Asistio at Mike Nieto. Ayon sa CIDG, hindi sila itinuturing na mga person of interest kundi inaasahang makatutulong sa pagbuo ng kabuuang larawan ng mga pangyayaring nauwi sa trahedya.
Ipinaliwanag ni CIDG Director P/MGen. Robert Morico II na mahalagang makuha ang testimonya ng mga dating manlalaro dahil naging bahagi rin sila ng parehong programa at personal nilang nakilala ang mga nasawing atleta.
“That’s why we are asking their participation because fellow player nila ‘yung namatay and that guy is also nasa Ateneo. Mga dati silang member,” ani Morico.
Kasunod ito ng muling pagkalat sa social media ng ilang podcast kung saan ibinahagi ng mga dating manlalaro ang kanilang karanasan sa mga nakaraang team-building activities ng koponan. Sa mga naturang panayam, inilarawan nila ang mga aktibidad bilang mabigat at pisikal na nakapapagod.
Ayon kay Morico, lumabas sa kanilang social media exploitation at pagsusuri ng mga online content ang ilang pahayag na nagsasabing ang mga aktibidad ay higit pa sa karaniwang team-building exercises.
“During the conduct of social media exploitation, there are several prayers na sinasabi nila na the head coach is not your friend. They do not describe it as a team building activity. It’s a boot camp technically,” paliwanag ng opisyal.
Nauna nang inihayag ng CIDG na pinalawak na nila ang saklaw ng kanilang imbestigasyon at tinitingnan ang posibilidad na may paglabag sa Article 249 ng Revised Penal Code o homicide, gayundin ang posibleng paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018.
Ayon kay Morico, hindi lamang relasyon ng nakatataas at nakabababa ang saklaw ng batas laban sa hazing. Maaari rin umanong isaalang-alang ang antas ng panganib at hirap ng mga aktibidad na ipinagawa sa mga kalahok.
“The definition of the anti-hazing law does not only qualify ‘yung superior to junior. This also applies ‘yung gravity ng exposure or activity na kinonduct nila doon sa area,” aniya.
Patuloy ding inaalam ng mga imbestigador kung sino ang nagplano at nagdisenyo ng mga aktibidad na isinagawa sa boot camp. Bagama’t may mga indikasyong nagtuturo sa dating head coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin, sinabi ni Morico na wala pang sinuman ang tuluyang nalilinis o napapatunayang responsable habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“That’s part of the question but right now all directions pinpoints doon sa head coach and we are not totally exonerating, the investigation is ongoing,” dagdag niya.
Sinisiyasat din ng CIDG kung bakit isinagawa ang aktibidad sa Aurora, isang lugar na kilala sa malalakas na alon at mapanganib na kondisyon ng dagat para sa paglangoy. Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na may mga ebidensiyang nagpapakitang batid ng mga organizer at kalahok ang lakas ng alon at agos ng tubig bago isinagawa ang training activity.
Samantala, nakatakdang magpalabas muli ng subpoena ang CIDG laban kay Baldwin at iba pang opisyal ng koponan upang personal na humarap sa imbestigasyon sa Biyernes.
Ayon kay Morico, kung patuloy na hindi sisipot ang mga ito, muli silang papadalhan ng subpoena sa pamamagitan ng kanilang mga abogado at, kung kinakailangan, sa pamamagitan ng publikasyon.
“If they fail to appear again, we will subpoena them again through their counsel. If they fail to appear again, we will subpoena them through publication. And that’s the time that we will be considering filing appropriate cases against them,” ani Morico.
Dagdag pa niya, nais ng CIDG na marinig ang panig ng mga opisyal upang mabigyang-linaw ang mga mahahalagang detalye ng kaso.
“I would like to elicit their appearance para mag-shed light in the interest of justice. Otherwise, we will be compelled to file separate cases for possibly violation of contempt or obstruction of justice,” aniya.
Samantala, iginiit ni MVP Sports Foundation president Al Panlilio na limitado lamang sa pinansyal na suporta ang partisipasyon ng foundation sa Ateneo men’s basketball program.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Panlilio na hindi pagmamay-ari o pinamamahalaan ng foundation ang Ateneo Men’s Basketball Team at wala rin itong direktang kinalaman sa pagpapatakbo ng mga programa ng koponan, pamamahala sa mga atleta, coaching, recruitment, at player development.
Nilinaw rin niya na si Christopher “Epok” Quimpo, na empleyado ng Smart Communications, ay nagsilbing team manager sa kanyang personal na kapasidad bilang alumni at dating manlalaro ng Ateneo, sa ilalim ng awtoridad ng unibersidad.
“The MVP Sports Foundation stands by all it has offered and provided for the development of Filipino athletes. And we stand with all Filipinos not only in mourning the deaths of Divine Adili and Rene Baterbonia, but in working to surface all truths behind this tragedy,” ayon sa pahayag.
Gayunman, nauna nang sinabi ng CIDG na sinusuri rin nila ang posibleng papel ng foundation sa pagpaplano at pagpopondo ng programa ng koponan. Ayon kay Morico, inaasahan ding papatawagin sa pamamagitan ng subpoena ang ilang kinatawan ng foundation at mga kaugnay na opisyal upang makatulong sa nagpapatuloy na fact-finding investigation.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng CIDG upang matukoy kung may pananagutang kriminal sa likod ng pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili at upang mabigyang-linaw ang lahat ng pangyayaring humantong sa trahedya.