Sa Hunyo 8, 2026, muling haharap ang sektor ng edukasyon sa isa na namang napakalaking pagbabago. Kasabay ng pagbubukas ng klase ay ang implementasyon ng bagong kurikulum, pagbabago sa mga asignatura, at ang pagpasok ng ikatlong semestre sa ilang programa. Sa papel, maganda itong pakinggan. Makabago. Mas kompetitibo. Mas nakaayon umano sa pangangailangan ng ika-21 siglo.
Ngunit sa aktuwal na kalagayan ng mga paaralan, maraming guro ang nagtatanong: handa na ba talaga tayo?

Ang mas nakababahala ay tila mas mabilis ang takbo ng reporma kaysa sa paghahanda. Maraming guro ang nakatanggap lamang ng maikling webinar bilang pagsasanay sa mga pagbabagong ito. Ang iba ay ilang oras lamang na orientation ang natanggap bago inaasahang ipatupad ang mga bagong pamantayan sa loob ng silid-aralan. Paano maihahatid nang maayos ang isang bagong kurikulum kung mismong mga magpapatupad nito ay nangangapa pa rin sa direksiyon?
Hindi maikakaila na malaki ang pondo ng Department of Education para sa 2026. Sa katunayan, umabot ito sa makasaysayang ₱1.015 trilyon—ang pinakamalaking badyet na natanggap ng anumang ahensiya ng pamahalaan. Ipinagmamalaki pa na natugunan ng bansa ang rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng hindi bababa sa apat na porsiyento ng GDP para sa edukasyon.
Ngunit habang tumataas ang bilang ng mga zero sa badyet, tila hindi pa rin nararamdaman sa maraming paaralan ang inaasahang pagbabago.
May nakalaang ₱85.41 bilyon para sa pagpapatayo ng mahigit 25,000 bagong silid-aralan at pagkukumpuni ng halos 12,000 iba pa. Ngunit hanggang ngayon, maraming guro pa rin ang bumibili ng sariling electric fan, kurtina, printer ink, bond paper, extension wire, at maging cleaning materials para lamang maging maayos ang kanilang silid-aralan. Ang Brigada Eskwela na dapat sana’y simbolo ng bayanihan ay madalas nagiging simbolo ng kakulangan ng suporta mula sa sistemang dapat sumasalo sa mga pangangailangan ng paaralan.
Sa usapin naman ng mga aklat at kagamitang pampagtuturo, naroon ang isa sa pinakamalalaking problema. Maraming textbook sa Senior High School at maging sa Junior High School ang itinuturing ng mga guro na masyadong idealistiko at hindi akma sa aktuwal na oras ng pagtuturo. May mga aklat na napakaraming competency ngunit imposibleng matapos sa loob ng isang semestre. Dahil dito, maraming guro ang napipilitang gumawa ng sariling modules, worksheets, at supplementary materials upang mapunan ang kakulangan.
Mas lalo pang nalilito ang ilan sa mga curriculum guide na inilabas. Bagama’t may mga dokumentong ipinamahagi, marami ang nagsasabing malabo pa rin ang implementasyon. Hindi sapat ang simpleng pagbibigay ng gabay kung kulang naman sa malinaw na paliwanag, sapat na training, at konkretong halimbawa kung paano ito isasagawa sa klase.
Mayroon ding ₱10 bilyong inilaan para sa pagtaas ng teaching allowance at paglikha ng mahigit 320,000 teaching at non-teaching positions. Magandang balita ito sa unang tingin. Ngunit hindi lamang allowance ang kailangan ng mga guro. Ang kailangan nila ay sapat na suporta, malinaw na polisiya, dekalidad na pagsasanay, at pagbawas sa napakaraming administrative tasks na kumakain sa kanilang oras para sa pagtuturo.
Samantala, may ₱16.8 bilyong nakalaan para sa digitalization, computerization program, laptops, at internet connectivity. Ngunit sa maraming paaralan, mabagal pa rin ang internet. May mga laptop na hindi sapat para sa pangangailangan ng mga guro. May mga division at district offices na hirap pa ring ma-access ang ilang online systems. Ang tanong ng marami: kung may badyet, bakit tila hindi pa rin gumagana nang maayos ang mga serbisyong dapat ay matagal nang naipatupad?
Ang pinakamahalagang sukatan ng tagumpay ng isang reporma ay hindi ang laki ng badyet o dami ng press release. Ang tunay na sukatan ay kung nararamdaman ba ito ng guro sa loob ng silid-aralan at ng mag-aaral sa kanyang pagkatuto.
Hindi kalaban ng mga guro ang pagbabago. Sa katunayan, sila ang unang sumusuporta sa anumang repormang makapagpapabuti sa kalidad ng edukasyon. Ngunit ang pagbabago ay hindi maaaring ipatupad sa pamamagitan lamang ng memorandum, webinar, at deadline. Ang tunay na reporma ay nangangailangan ng sapat na paghahanda, malinaw na direksiyon, sapat na kagamitan, at pakikinig sa boses ng mga nasa unang hanay ng edukasyon.
Habang papalapit ang Hunyo 8, isang mahalagang tanong ang nananatiling nakabitin: kung may higit sa isang trilyong pisong badyet ang edukasyon, bakit marami pa ring guro ang nangangapa, gumagastos mula sa sariling bulsa, at naghahanda para sa isang sistemang tila sila mismo ang inaasahang bumuo habang ito ay ipinapatupad?
Ang edukasyon ay hindi eksperimento. Ang kinabukasan ng milyun-milyong mag-aaral ay nakasalalay dito. At ang bawat reporma, gaano man kaganda sa papel, ay mananatiling pangako lamang kung hindi ito mararamdaman sa mismong silid-aralan.
- ₱1 Trilyonhg Badyet, Pero Handa ba talaga? ANg Malaking Tanong sa Bagongg Kurikulum ng DepEd
- 9-palapag na gusaling itinatayong condo-hotel, gumuho sa Angeles City
- Ombudsman Sinuspinde ang Vice Governor ng Catanduanes at 11 Miyembro ng Sangguniang Panlalawigan
- LGU Palompon Nilinaw ang Isyu ng “Skin Tax” at Kalagayan ng Comfort Rooms sa Kalanggaman Island
- Ilang Atleta ng Eastern Visayas sa Palarong Pambansa, Nakaranas ng Pananakit ng Tiyan