Humigit-kumulang 200 BFP personnel iniimbestigahan sa ‘slot-for-sale’ scheme

Humigit-kumulang 200 opisyal at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang iniimbestigahan sa buong bansa kaugnay ng umano’y “slot-for-sale” scheme sa recruitment, matapos maaresto ang isang mataas na opisyal na sinasabing humingi ng hanggang ₱500,000 kapalit ng garantisadong puwesto sa ahensya, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Jonvic Remulla Photo File ABS-CBN News

MANILA — Humigit-kumulang 200 opisyal at personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa iba’t ibang panig ng bansa ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y “slot-for-sale” scheme sa ahensya, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Biyernes.

Isinasagawa ang imbestigasyon kasunod ng pagkakaaresto sa isang mataas na opisyal ng BFP sa San Fernando, Pampanga, na umano’y humingi ng ₱500,000 mula sa isang aplikante kapalit ng garantisadong puwesto sa ahensya. Kalaunan, ibinaba umano ang hinihinging halaga sa ₱300,000.

Ayon kay Remulla, bahagi lamang ang naturang insidente ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang buwagin ang umano’y matagal nang sistema ng katiwalian sa loob ng BFP.

Aniya, isa ito sa mga istrukturang matagal nang umiiral sa ahensya at tinukoy niya bilang isang “cancer” na kailangang tuluyang sugpuin.

“Isa ito sa mga binubuwag kong istruktura sa loob ng BFP. Ito ay cancer sa loob ng BFP na matagal na nangyayari. Ito ay pinag-uusapan na for the last 25 years na may sistemang ganoon,” ani Remulla.

Dagdag pa ng kalihim, posibleng naging malaking pagkakakitaan ng ilang tiwaling indibidwal ang BFP, partikular sa recruitment, promotions, procurement ng mga fire truck at fire extinguisher, gayundin sa iba pang transaksiyon.

Tinataya ni Remulla na maaaring umabot sa ₱15 bilyon kada taon ang halaga ng industriyang may kaugnayan sa mga transaksiyong ito sa loob ng ahensya.

Hindi na rin ito ang unang pagkakataon na naharap ang BFP sa mga alegasyon ng katiwalian.

Mas maaga ngayong taon, inilantad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang umano’y mga kickback at iregularidad sa fire safety inspections ng BFP.

Bilang bahagi ng kampanya laban sa katiwalian, 902 fire safety inspectors sa Metro Manila ang inalis sa kanilang mga posisyon.

Nagsampa rin ang DILG ng mga reklamo laban sa 45 kasalukuyan at dating opisyal ng BFP kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa procurement ng fire trucks mula 2018 hanggang 2024.

Para kay Remulla, ipinapakita ng pinakahuling pagkakaaresto na hindi lamang administratibong aksiyon ang ginagawa ng pamahalaan upang linisin ang ahensya, kundi maging ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga mapatutunayang sangkot.

“Hindi lang natatapos dito. We are going after the entire institution, all the rotten eggs,” pahayag ni Remulla. Nahaharap ngayon ang naarestong fire officer sa reklamong robbery at extortion sa City Prosecutor’s Office ng San Fernando, Pampanga.

Samantala, tinukoy rin ni Remulla ang umano’y kasabwat ng nasabing opisyal na isang deputy regional director for administration ng BFP Region 4A. Ayon sa kalihim, inalis na ito sa kaniyang mga responsibilidad at inilagay sa restricted duty habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang iba pang opisyal at personnel na posibleng sangkot sa umano’y sistemang “slot-for-sale,” habang sinisikap ng pamahalaan na matukoy ang lawak ng naturang operasyon sa loob ng BFP.ADS

BFP hinahigpitan ang recruitment system matapos mabunyag ang ‘slot-for-sale’ scheme

Humigit-kumulang 200 BFP personnel iniimbestigahan sa ‘slot-for-sale’ scheme. Mas paiigtingin ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sistema nito sa recruitment matapos mabunyag ang umano’y “slot-for-sale” scheme na naglalagay sa integridad ng pagkuha ng mga bagong tauhan sa ahensya sa ilalim ng masusing imbestigasyon.

Ayon kay BFP Officer-in-Charge FCSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, ipinapakita ng pinakahuling kaso na kailangan pang palakasin ang mga mekanismo ng ahensya upang tuluyang maiwasan ang anumang uri ng manipulasyon sa proseso ng recruitment.

Sinabi ni Kwan Tiu na matagal nang gumagamit ang BFP ng online at electronic hiring system, kung saan dumaraan sa digital at system-generated na proseso ang pagsusuri sa kwalipikasyon at resulta ng mga pagsusulit ng mga aplikante.

Gayunman, aminado ang opisyal na may mga tiwaling tauhan na umano’y nakakahanap pa rin ng paraan upang samantalahin ang mga natitirang puwang sa sistema.

“‘Yung recruitment natin ay e-hiring online. System-generated ‘yung mga result. However, meron pa rin ganitong sistema dahil nga kapag nag-e-evolve ang proseso ng isang ahensya, ‘yung mga gumagawa ng anomalya ay nag-e-evolve din at gumagawa ng paraan,” ani Kwan Tiu.

Sa huling yugto umano nagaganap ang bentahan

Ayon sa mga opisyal, hindi umano sa mga unang bahagi ng recruitment pumapasok ang sinasabing katiwalian.

Bahagi ng proseso ang paglalabas online ng listahan ng mga aplikante bilang hakbang para sa transparency. Dito umano nakikita ng mga posibleng sangkot kung sinu-sino ang mga kwalipikadong aplikante.

Ipinaliwanag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang mga target umano ng scheme ay hindi basta mga aplikanteng hindi kwalipikado. Sa halip, ang mga ito ay mga aplikanteng nakapasa na sa kinakailangang written examination, physical examination at iba pang pagsusuri.

Aniya, matapos malampasan ng mga aplikante ang mga kinakailangang pagsusulit, ang natitirang desisyon ay kung sino ang tuluyang tatanggapin sa ahensya.

“Ang last hurdle nito ay ‘yung basta tao na ang humahawak. So all of them are physically qualified, intellectually qualified. ‘Yung decision na lang kung sinong papasok, doon nagkakaagawan. Doon nagkakabayaran,” ani Remulla.

Apat na aplikante isinangkot sa imbestigasyon. Nauna nang sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na umamin umano ang naarestong opisyal na natulungan nitong makapasok sa BFP ang apat na aplikante.

Inaasahang haharap ang mga naturang aplikante sa CIDG sa susunod na linggo upang makatulong sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Ayon kay Remulla, maaari silang bigyan ng konsiderasyon kung buong-buo silang makikipagtulungan sa mga awtoridad at isisiwalat ang lahat ng detalye tungkol sa umano’y operasyon.

Kabilang dito ang kung paano isinagawa ang scheme, sino ang kumontak sa kanila, sino ang mga sangkot, at kung paano gumagana ang sistema.

“If they testify, they can be given clemency and continue their service kasi they are as much as a victim. But they have to come out with all the details,” pahayag ni Remulla.

Gayunman, nagbabala ang kalihim na kung hindi sila makikipagtulungan, maaaring gamitin laban sa kanila ang mga ebidensiyang nakalap ng mga awtoridad, kabilang ang mga impormasyong nakita umano sa kanilang mga cellphone.ADS

BFP pinag-aaralan ang paggamit ng QR codes

Bukod sa pagpapalakas ng kasalukuyang e-hiring system, pinag-aaralan din ng BFP ang karagdagang pagbabago upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga aplikante habang isinasagawa ang recruitment.

Isa sa mga posibilidad ang paggamit ng mga numero o QR code sa halip na pangalan ng mga aplikante sa mga listahang inilalabas online.

Layunin nitong mabawasan ang posibilidad na makilala o matukoy ng mga tiwaling tauhan ang mga aplikanteng kwalipikado at maaaring maging target ng umano’y bentahan ng puwesto.

Imbestigasyon umabot na sa buong bansa. Samantala, sinabi ni Remulla na hindi na lamang nakasentro sa isang lugar ang imbestigasyon.

Lumawak na umano ito sa buong bansa at umabot na maging sa mga opisyal na nasa antas ng regional director. Dahil dito, muling nanawagan ang kalihim sa mga tauhan ng BFP na posibleng sangkot na lumantad at magsabi ng katotohanan bago sila tuluyang maabot ng imbestigasyon.

“Lumabas na kayo ngayon at umamin na kayo, o hahabulin namin kayo hanggang matapos ang career niyo. Again, I am warning you. I am serious and I will go after all of you,” mariing babala ni Remulla.

Ayon sa kalihim, target ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na makumpleto sa loob ng taon ang paglilinis sa BFP.

Para sa pamahalaan, ang reporma sa recruitment system ay hindi lamang usapin ng teknolohiya kundi bahagi ng mas malawak na kampanya upang matiyak na ang mga posisyon sa BFP ay napupunta sa mga kwalipikadong aplikante at hindi sa mga may kakayahang magbayad o may koneksiyon sa loob ng ahensya.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang buong lawak ng umano’y “slot-for-sale” scheme at mapanagot ang lahat ng indibidwal na mapatutunayang sangkot dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *