KOMENTARYO: “PISA Score Umangat, Pero Literacy Crisis Lumala — DepEd, Nasaan ang Solusyon?”

Maganda pakinggan. Nakakatuwang basahin. Nakakaproud kung unang tingin lamang na, “DepEd: PH, nanguna sa buong mundo sa pag-unlad sa Reading sa PISA.” ayon sa balita ng DepEd.

Pero bilang isang bansang ilang dekada nang humaharap sa problema sa literacy, at corruption hindi sapat na ipagdiwang lamang natin ang isang headline. Dapat nating itanong, kung totoong napakalaki ng pag-unlad, bakit napakarami pa ring batang hirap bumasa, umunawa, at magpaliwanag ng kanilang binasa?

Photo File of Angara from Senate and Piisa

Oo, may magandang balita sa PISA 2025. Ayon sa OECD, umangat ang Pilipinas sa reading, mathematics, at science kumpara sa 2022 at 2018. Sa reading, umabot sa 367 ang mean score noong 2025 mula sa 340 noong 2018. Ayon din sa OECD, ang Pilipinas ang may pinakamalaking long-term improvement trend sa reading sa mga education system na may comparable data 38 puntos kapag ang annual trend ay isina-scale sa isang dekada.

Pero dito dapat magsimula ang seryosong pag-uusap hindi dito dapat nagtatapos sa documents data sa reality. Dahil ang salitang “nanguna” ay maaaring lumikha ng impresyong nalutas na natin ang problema sa reading. O, di kaya, panlilinlang lamang ito sa taong bayan, anuman ang paraan ng panghihikayat nito?

Sa PISA 2025, 31% lamang ng 15-year-old students sa Pilipinas ang umabot sa minimum Level 2 proficiency sa reading. Ibig sabihin, humigit-kumulang 69% ang hindi umabot sa baseline proficiency na iyon. At halos walang Filipino students ang umabot sa Level 5 o mas mataas sa reading.

Kaya dapat nating itanong nang direkta. Paano natin masasabi na tapos na ang problema sa reading kung malaking bahagi pa rin ng ating 15-year-old students ang hindi nakakamit ang minimum proficiency?

Ito ang hindi dapat matabunan ng isang magandang headline. Hindi rin dapat paghaluin ang PISA at ang buong sistema ng edukasyon. Ang PISA ay sumusukat sa 15-year-old students, hindi sa lahat ng elementary, junior high school, at senior high school learners sa Pilipinas. Noong 2025, mahigit 760,000 students mula sa 91 countries and economies ang kasama sa PISA.


Sara Impeachment o Tunay na Reporma? Ang Mas Malaking Tanong na Kinakaharap ng Pilipinas

KOMENTARYO: “PISA Score Umangat, Pero Literacy Crisis Lumala — DepEd, Nasaan ang Solusyon?”

COMMENTARY: Sara Duterte’s Impeachment Battle Ends, but the 2028 Political Contest Begins


Kaya kung sasabihin nating “nanguna ang Pilipinas sa mundo,” dapat malinaw. Nanguna tayo sa rate ng improvement sa isang partikular na PISA comparison hindi ibig sabihin na nanguna na tayo sa reading proficiency sa buong mundo.

At ito ang masakit na bahagi. Sa mismong classroom, ibang kuwento ang nakikita ng maraming guro. May mga batang umaabot ng Grade 7 na hirap pa ring bumasa. May nakakabasa ng salita pero hindi maipaliwanag ang kahulugan. May nakakabasa ng paragraph ngunit hindi makasagot sa simpleng tanong tungkol dito. May nakapagsusulat ng sagot pero hindi talaga nauunawaan ang binasa.

Reading aloud is not the same as reading comprehension. At higit sa lahat, ang marunong bumasa ng salita ay hindi awtomatikong marunong umunawa ng teksto. Kaya hindi sapat ang report na nagsasabing umangat ang scores.

Ang tanong ay, ano ang nangyayari sa ordinaryong classroom habang nagkaroon ng assessment sa PISA? kung may classroom na 45 learners ngunit iilan lamang ang tunay na nakababasa at nakauunawa nang naaayon sa kanilang baitang, hindi maaaring sabihin nating solved or mataas na improvement na ang literacy crisis dahil lamang gumanda ang resulta ng isang international assessment.

Hindi rin makatarungang sisihin agad ang mga guro.

Dahil ang guro mismo ay nasa gitna ng isang sistemang maraming kailangang gawin. May lesson plan. May assessment. May remediation. May reports. May programs. May meetings. May school activities. May division activities. May district requirements. May iba’t ibang programang kailangang ipatupad. Ano ang ending wala ng energy para mag turo.

At kapag pinagsama-sama ang lahat, isang bagay ang maaaring unang mawala, oras para sa tunay na pagkatuto. Reading requires time. Reading requires repetition. Reading requires intervention.

Reading requires a teacher who can sit with a struggling learner and patiently teach that learner how to decode, understand, infer, analyze, and explain.

Hindi matututong magbasa ang bata dahil lamang may reading program sa papel. Hindi gagaling ang comprehension dahil lamang may reading activity sa calendar. At lalong hindi maaayos ang literacy crisis sa pamamagitan ng puro seminar, tarpaulin, memorandum, at report.

Kailangan ng aktuwal na oras sa classroom. Kung may mga extracurricular at community activities na kumakain sa instructional time, dapat magkaroon ng tapang ang sistema na magtanong: Ano ba talaga ang priority activity o learning?

Hindi ibig sabihin nito na lahat ng extracurricular activities ay masama. Hindi. Mahalaga rin ang kultura, sports, leadership, at community participation.

Pero kapag ang batang hirap pa ring bumasa ay patuloy na nawawalan ng oras para sa foundational learning, dapat may magpaliwanag kung saan natin inilalagay ang tunay na priority.

At dito pumapasok ang isa pang malaking problema, ang pressure sa paaralan. Kapag mababa ang performance ng learners, hindi dapat ang unang tanong ay “Paano natin mapapaganda ang report?”

Ang unang tanong dapat ay “Bakit hindi natututo ang bata?” Hindi dapat ang pangunahing layunin ay gumanda ang spreadsheet. Hindi dapat ang pangunahing layunin ay gumanda ang division report. Hindi dapat ang pangunahing layunin ay maging maganda ang presentation.

Dapat gumaling ang bata. Period.

Dahil ang tunay na sukatan ng edukasyon ay hindi kung gaano kaganda ang report na ipinasa ng paaralan. Ang tunay na sukatan ay kung ang batang pumasok sa Grade 1 ay pagdating ng Grade 6 ay marunong nang bumasa, umunawa, mag-isip, at magpaliwanag. At kung Grade 7 na siya, hindi na dapat siya nakikipagbuno sa basic reading.

Kung Senior High School na siya, hindi na dapat basic paragraph comprehension ang pangunahing problema. Pero hindi rin natin dapat gawing target ang “zero struggling readers” overnight. Ang education system ay komplikado, at may malaking pagkakaiba sa kalagayan ng mga paaralan, komunidad, at learners.

Ang kailangan natin ay honest data, honest diagnosis, at honest intervention. May isa pang mahalagang datos na hindi dapat balewalain.

Ayon sa PSA 2024 FLEMMS, humigit-kumulang 9 sa bawat 10 Filipino na edad 5 pataas ang may basic literacy, ngunit humigit-kumulang 7 sa bawat 10 ang functionally literate sa revised definition ng PSA. Ang functional literacy ay hindi lamang kakayahang bumasa at sumulat; kasama rito ang comprehension, integration ng impormasyon, at paggawa ng inference.

At kailangang linawin ang isang madalas na maling paggamit ng datos. Hindi totoong sinabi ng PSA na 19 milyon ang functionally illiterate na high school graduates.

Nilinaw mismo ng PSA na ang tinatayang 19 milyon ay mga taong edad 10–64 na basic literate ngunit hindi functionally literate dahil kulang sa comprehension, anuman ang pinakamataas nilang natapos na grade level.

Kaya kung gusto nating maging seryoso sa problema, tigilan natin ang pagpapalaki ng numero para lang maging viral ang argumento. Hindi natin kailangang palakihin ang problema. Totoo na itong problema kahit gamitin pa natin ang tamang datos.

At dito dapat maging agresibo ang tanong ng publiko. Kung gumaganda ang PISA trend, bakit hindi pa natin nararamdaman ang pagbabago sa maraming ordinaryong classroom?

Hindi ibig sabihin na fake ang PISA. Hindi ibig sabihin na minanipula ang datos sa PISA. Posibleng nagkaroon ng maling kalakaran sa mas mababang antas na mahirap patunayan, lalo na kung dumaan ang datos sa proseso ng pag-apruba ng mga nakatataas.

At walang sapat na ebidensiya para sabihing “binigyan ng sagot” ang mga guro o PISA examinees. Ang ganitong paratang ay hindi dapat iharap bilang katotohanan nang walang matibay na ebidensiya.

Pero may lehitimong tanong tungkol sa disconnect between international assessment results and everyday classroom realities. At iyon ang dapat siyasatin. Paano pinipili ang PISA participants? Paano isinasagawa ang testing?Ano ang aktuwal na profile ng mga batang sumali? Ano ang ginagawa sa mga learners na naiwan? Sino-sino ang gumagawa ng exams.

At higit sa lahat, paano natin sinusukat ang reading proficiency ng milyon-milyong batang hindi kasama sa PISA sample?

Dahil ang PISA ay parang thermometer. Kapag tumaas ang reading score, magandang senyales iyon. Pero ang thermometer ay hindi gamot. Hindi nito awtomatikong ginagamot ang pasyente.

Ang 27-point improvement ng Pilipinas mula 2018 hanggang 2025 ay dapat ipagmalaki. Ang long-term trend na katumbas ng 38 puntos kada dekada ay malaking bagay.

Pero huwag nating gawing medalya ang isang improvement trend habang milyon-milyong learners ang kailangan pa ring habulin. At dito ako hindi sasang-ayon sa mindset na “Nanguna tayo, kaya okay na tayo.” Tama na ang giganagawa, pero ilang libong guro ang hindi agree dito.

Nanguna tayo sa pag-unlad. Hindi ibig sabihin na nanguna tayo sa antas ng kakayahan. Malaking pagkakaiba iyon. At kung halos 7 sa bawat 10 Filipino 15-year-olds ang hindi umabot sa PISA Level 2 reading proficiency, hindi pa panahon para mag-congratulate nang todo.

At sa panahon ng fake news, misinformation, at AI, mas mapanganib ang isang lipunang marunong lamang bumasa ng salita ngunit hindi marunong kumilatis ng kahulugan.

Kaya oo— Ipagdiwang natin ang improvement. Pero pagkatapos ng palakpakan, bumalik tayo sa classroom. Tingnan natin ang batang Grade 3 na hindi pa makabasa. Tingnan natin ang Grade 7 learner na hirap umunawa ng paragraph. Tingnan natin ang Senior High School student na nakakabasa ngunit hindi makapag-infer ng kahulugan. Tingnan natin ang gurong nagtuturo habang hinahabol ang napakaraming requirement.

At tanungin natin ang buong sistema. Kung totoong gumaganda ang reading performance ng bansa, kailan natin makikita ang pagbabagong iyon sa bawat classroom hindi lamang sa international report?

Dahil sa huli, hindi PISA score ang magtatapos ng krisis sa literacy. Ang batang tunay na marunong bumasa, umunawa, mag-isip, at magsalita ang siyang magpapatunay na nagtagumpay ang edukasyon.

At hangga’t hindi iyon nararamdaman sa bawat classroom, hindi pa tapos ang laban. Ang mga bata ay biktima ng sistemang bulok at pabago-bago, habang ang mga guro ay nananahimik na lamang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *