11 boto kailangan para baguhin ang 16-vote threshold ni VP Sara

Uminit ang usapin sa impeachment ni Vice President Sara Duterte matapos linawin ng Senate impeachment court na 11 boto ang kailangan upang baguhin ang umiiral na 16-vote requirement, taliwas sa naunang pahayag na 10 boto lamang ang kailangan, habang nakatakdang muling talakayin ng mga senator-judge ang isyu sa Setyembre 16.

Atty. Reginald Tongol Phot Senate FB

MANILA, Philippines — Nilinaw ng tagapagsalita ng Senate impeachment court na si Atty. Reginald Tongol na 11 boto ang kailangan ng mga senator-judge upang ma-overturn ang naunang ruling na nangangailangan ng 16 na boto upang ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Tongol, nagkaroon ng paglilinaw matapos niyang sabihin noong Biyernes na 10 boto lamang ang kailangan upang mabago ang voting threshold dahil sa posibleng pagliban ng ilang senator-judge dahil sa mga legal na usapin.

Ipinaliwanag niya na kung 20 senator-judge ang dadalo, hindi sapat ang 10 boto upang baguhin ang 16-vote requirement. Kailangan umano ng 11 boto, o simpleng majority ng mga dumalong senador.

Nakatakdang balikan ng Senate impeachment court ang usapin tungkol sa voting threshold sa Miyerkules, Setyembre 16, 2026. Samantala, nakatakdang iharap ng prosecution at defense ang kanilang mga argumento sa Setyembre 23, 2026.



Ayon kay Tongol, maaari ring bumoto si Senate President at presiding officer na si Sen. Francis Escudero sa usapin ng pagbabago sa 16-vote requirement, batay sa mga patakaran ng Senado.

Sinabi rin ni Tongol na posibleng umabot sa Korte Suprema ang usapin kung may partidong kumuwestiyon sa magiging desisyon ng Senate impeachment court.

“Any party naman po pwedeng umakyat sa Korte Suprema to question it for grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction,” ani Tongol.

Noong Huwebes, nagtalaga ang Senate impeachment court ng tatlong dating chief justice ng Korte Suprema at isang retiradong associate justice bilang amici curiae, o “friends of the court,” upang tumulong sa pagbibigay ng legal na pananaw sa isyu.

Samantala, tiniyak ni Tongol na magpapatuloy ang impeachment proceedings kahit may magsampa ng petition for certiorari sa Korte Suprema.

Ayon sa kanya, hindi awtomatikong mapipigil ang proseso dahil lamang sa paghahain ng petition. Magpapatuloy ang proceedings maliban na lamang kung maglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO).

“Only when there is a TRO issued, doon lamang hindi magpapatuloy ang proseso,” paliwanag ni Tongol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *