Kabaong na Ginawang Babala sa Kalsada sa Benguet, Tatanggalin ng DPWH

Pansamantalang ginawang babala ng mga residente ang isang kabaong sa kalsada ng Barangay Ambuklao upang paalalahanan ang mga motorista sa panganib, ngunit sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tatanggalin ito dahil hindi ito angkop na pananda sa lansangan.

Kabaong na Ginawang_Road Signage PHOTO FILE BLGU Ambuklao
Kabaong na Ginawang_Road Signage PHOTO FILE BLGU Ambuklao

BOKOD, BENGUET – Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aalisin na ang isang kabaong na inilagay sa gitna ng kalsada sa Barangay Ambuklao, Bokod, Benguet. Ang nasabing bagay ay ginamit umano bilang babala sa mga dadaanang motorista hinggil sa mga panganib sa daanan.

Ayon kay Engr. Teofilo Ramirez Jr. ng DPWH, hindi angkop at hindi tama ang paggamit ng kabaong bilang senyales o pananda ng panganib sa kalsada. Binigyang-diin niya na may mga tamang pamantayan at kagamitan ang ahensya para sa mga babalang pananda sa mga lansangan.

Sa kabilang panig, sinabi naman ni Kapitan Reynaldo Tello ng Barangay Ambuklao na handa nilang alisin ang kabaong sa oras na maibigay at mailagay na ng DPWH ang mga pangakong opisyal na road signage sa nasabing lugar. Ayon sa mga residente, ginamit lamang nila ang kabaong pansamantala upang maagaw ang atensyon ng mga dadaan at maiwasan ang mga aksidente, habang hinihintay ang tamang kagamitan mula sa ahensya.

Sa kasalukuyan, nagkakaroon ng pag-uusap ang lokal na pamahalaan at ang DPWH upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at maayos na maipalit ang pansamantalang babala ng tamang senyales sa lalong madaling panahon.