DepEd: Paggamit ng contraceptives, kabilang ang condom, ituturo sa Grade 8

Naging sentro ng pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Department of Education ang pagtuturo ng wastong paggamit ng contraceptives sa mga mag-aaral. Kinumpirma ni Education Secretary Sonny Angara na ang aktuwal na paggamit ng contraceptives, kabilang ang condom, ay itinuturo sa Grade 8. Lumutang ang usapin kasunod ng mga panawagan na palakasin ang reproductive health education dahil sa adolescent pregnancy at HIV cases sa bansa.

Sonny Angara Photo File DepEd FB Page
Sonny Angara Photo File DepEd FB Page

MANILA — Kinumpirma ni Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na kabilang na sa itinuturo sa Grade 8 ang aktuwal na paggamit ng contraceptives, kabilang ang condom, bilang bahagi ng reproductive health education sa mga paaralan.

Lumabas ang naturang paglilinaw sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Setyembre 7, 2026. Tinanong ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña si Angara kung kailan at sa anong baitang sisimulan ang pagtuturo ng wastong paggamit ng condom sa mga mag-aaral.

Iginiit ni Cendaña ang kahalagahan ng naturang usapin dahil patuloy na kinakaharap ng bansa ang mga problema sa adolescent pregnancy at HIV, na nakaaapekto rin sa mga kabataan.

Ayon kay Angara, bahagi ng curriculum ang pagtuturo tungkol sa pangangalaga sa katawan at responsableng reproductive health. Gayunman, nilinaw niyang ang mas partikular na pagtuturo hinggil sa paggamit ng contraceptives ay nakatakda sa Grade 8.



“But the actual use of contraceptives is taught at eighth grade, Your Honor. Eighth grade po,” ani Angara.

Matapos ang pahayag ng kalihim, sinabi ni Cendaña na itinatala ng komite ang commitment ng DepEd na maipaabot sa mga mag-aaral sa Grade 8 ang wastong paggamit ng condom at iba pang paraan ng proteksiyon. Hiniling din niya sa kagawaran na isumite ang mga pamantayan at gabay sa curriculum na gagamitin para sa pagpapatupad nito, na sinang-ayunan naman ni Angara.

Ang usapin ay muling naging sentro ng talakayan kasabay ng mga datos tungkol sa adolescent pregnancy sa bansa. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority na iniulat ng Commission on Population and Development, nasa 138,697 adolescent mothers na edad 10 hanggang 19 ang naitala sa Pilipinas. Kabilang dito ang mga ina na wala pang 15 taong gulang, na umabot sa 3,612 noong 2024, mas mataas kumpara sa 3,343 noong 2023 at 3,135 noong 2022.

Bukod sa maagang pagbubuntis, patuloy ding binabantayan ng mga awtoridad ang pagdami ng kaso ng HIV. Ayon sa Department of Health, 4,633 bagong kaso ng HIV ang naitala mula Enero hanggang Marso 2026, o katumbas ng average na 51 bagong kaso bawat araw sa unang tatlong buwan ng taon. Sa mga bagong kaso, kabilang sa malaking bahagi ang mga nasa edad 15 hanggang 24, na bumubuo sa 31 porsiyento ng kabuuang naitala.

Gayunman, hindi lahat ng kaso ng HIV ay maaaring direktang iugnay sa hindi paggamit ng condom. Batay sa datos ng DOH, sexual contact ang pangunahing naiulat na paraan ng transmission, bagama’t may iba’t ibang posibleng ruta ng pagkakahawa.

Sa harap ng mga hamong ito, muling nabuksan ang diskusyon tungkol sa papel ng paaralan sa pagbibigay ng tama, naaangkop at siyentipikong impormasyon sa mga kabataan. Layunin ng reproductive health education na matulungan silang magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa kanilang katawan, kalusugan at responsableng pagpapasya, kabilang ang pag-iwas sa hindi planadong pagbubuntis at sexually transmitted infections. / aptikons

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *